Naging matapang ang panawagan ng beteranang aktres at aktibistang si Agot Isidro ukol sa isinasagawang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) hinggil sa umano'y katiwalian sa mga proyekto ng flood control. Sa isang post sa social media platform na X (dating Twitter) nitong Linggo, iginiit ni Agot na karapatan ng taumbayan na magkaroon ng access at partisipasyon sa mga ganitong klaseng pagdinig, lalo na’t pampublikong pondo ang ginagasta para dito.
Sa kanyang post, ipinahayag niya ang pagkadismaya sa tila sariling sikap at panig-paning labanan sa loob ng komisyon, habang ang ordinaryong mamamayan ay tila nanonood lamang sa tabi.
“Sila-sila na nag-aaway. Tayo, mga audience lang? Ganun na lang?” aniya.
“Dapat may say tayo sa mga nangyayari. Dapat parte tayo ng mga imbestigasyon, bilang tayo naman ang nagpapasweldo sa kanila.”
Binibigyang-diin ni Agot ang kakulangan ng transparency at inclusivity sa ginagawang imbestigasyon, kung saan tila napag-iiwanan ang publiko sa mga kaganapan. Ayon pa sa kanya, ang mga pagdinig, dokumento, at ebidensyang inilalahad sa loob ng ICI ay dapat buksan sa publiko upang maiwasan ang anumang pagdududa o posibleng pagbaluktot ng katotohanan.
“Suggestion ko lang, dapat yung ICI, ibukas ang talakayan sa publiko. Yung mga documents at ebidensya, ilabas. Kung may meeting, payagan ang media na mag-cover.”
Ipinunto rin ng aktres ang mahalagang papel ng transparency sa paggasta ng pondo ng bayan. Hindi aniya tama na ang mga mamamayang nagbabayad ng buwis ang siyang pinagkukunan ng pondo, ngunit hindi nabibigyan ng karapatan para malaman kung paano ito ginagamit.
“We demand transparency. We demand inclusivity. Pera namin yang ginagastos niyo. Bakit tinatago sa amin?” matapang na pahayag niya.
Matatandaang naging kontrobersyal ang isyung ito matapos suspindihin o ipagpaliban ng Senado ang pagdinig ukol sa anomalya sa flood control projects, na naging dahilan ng matinding reaksiyon mula sa netizens at ilang celebrities gaya nina Carla Abellana at Kylie Padilla. Ngayon, sa panibagong panawagan ni Agot Isidro, mas lumalakas ang boses ng mga artistang hindi na natatakot magsalita para sa ikabubuti ng sambayanan.
Ang flood control projects na ito ay inaasahang sagot sa matagal nang problema ng pagbaha sa bansa, subalit binahiran ng alegasyon ng korapsyon at mismanagement. Sa ganitong konteksto, lalong mahalaga ang pagbibigay ng access sa publiko upang matiyak na mayroong check and balance sa proseso.
Ang panawagan ni Agot Isidro ay hindi lamang simpleng opinyon; ito’y isang hamon sa pamahalaan na isabuhay ang tunay na diwa ng serbisyong publiko — ang pagiging bukas, tapat, at accountable sa taongbayan.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!