Arjo Atayde Mariing Itinanggi Ang Pagkakadawit Sa Maanomalyang Flood Control Project

Martes, Setyembre 9, 2025

/ by Lovely


 Mariing itinanggi ni Quezon City First District Representative Arjo Atayde ang mga paratang na iniugnay siya sa diumano'y iregular na mga kontrata kaugnay ng mga flood control projects ng pamahalaan. Ayon sa ulat, si Atayde ay isa sa mga mambabatas na pinangalanan ng mga kontratistang sina Cezarah “Sarah” at Pacifico “Curlee” Discaya sa isang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.


Sa isang opisyal na pahayag, nilinaw ni Atayde na wala siyang kinalaman sa anumang proyekto ng mag-asawang Discaya at iginiit na hindi siya kailanman nakinabang mula sa mga ito. Aniya, "I categorically deny the allegation that I benefited from any contractor." 


Dagdag pa niya, hindi siya kailanman gumamit ng kanyang posisyon para sa pansariling interes at handa siyang gamitin ang lahat ng legal na hakbang upang mapatunayan ang kanyang pagiging inosente at papanagutin ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon.


Ang kontrobersya ay nag-ugat sa isang larawan na kumakalat sa social media kung saan makikitang magkasama si Atayde at ang mag-asawang Discaya. Ayon sa kongresista, ang naturang engkwentro ay hindi planado at isang beses lamang nangyari noong taong 2022, sa mismong tanggapan niya sa distrito. Paliwanag niya, ang pagkikita ay simpleng "hi, hello" lamang at sandaling kuha ng litrato—walang naganap na pag-uusap hinggil sa mga proyekto ng gobyerno.


Binigyang-diin ni Atayde na iyon lamang ang tanging pagkakataon na nakita at nakausap niya ang mag-asawa, at wala siyang direktang relasyon o ugnayan sa mga ito sa anumang anyo. “I have never dealt with them," aniya.


Samantala, lumabas sa pagdinig ng Senado na ang mag-asawang Discaya ay nagsiwalat na sila’y pinilit umanong sumali sa mga iregular na proseso ng bidding, kung saan bahagi ng kanilang kita mula sa mga proyekto ay kinukuha umano ng mga tiwaling opisyal bilang “kickback.” Ayon sa kanila, ito ay umaabot mula 10% hanggang 25% ng kabuuang halaga ng proyekto.


Ayon pa sa Discaya couple, dati umano silang nakakapagwagi ng mga proyekto sa pamamagitan ng patas na bidding system, ngunit dumating ang panahon na kinailangan nilang makisabay sa hindi makatarungang sistema upang mapanatili ang operasyon ng kanilang kumpanya at masigurong protektado ang kanilang pamilya.


Sa kabila nito, iginiit ni Atayde na hindi siya bahagi ng anumang katiwalian at handa siyang harapin ang lahat ng isyung ipinupukol sa kanya. Aniya, naniniwala siya sa tamang proseso at sa kapangyarihan ng batas upang linisin ang kanyang pangalan. 


"I will avail of all remedies under the law to clear my name and hold accountable those who spread these falsehoods,”  diin pa niya.


Sa ngayon, wala pang pormal na kaso laban kay Atayde, ngunit nagpahayag siya ng determinasyong makipagtulungan sa mga imbestigasyon upang tuluyang mapatunayang wala siyang kinalaman sa mga sinasabing anomalya.




Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo