Ipinakita ng mga naging housemate sa nakaraang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition na ang samahang kanilang binuo sa loob ng bahay ni Kuya ay hindi basta-basta naglaho matapos silang lumabas. Sa halip, mas tumibay pa raw ang kanilang pagkakaibigan at tuloy-tuloy ang bonding kahit nasa “outside world” na sila.
Dahil dito, hindi nakapagtataka na umani ng atensyon ang kumalat na balita tungkol sa posibilidad na maisama ang ilan sa kanila sa isang malaking pelikula. Ayon sa mga usap-usapan sa social media, mismong si Vice Ganda raw ang nag-request na makasama sa kanyang entry para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ang grupo ng Pamilya de Guzman o mas kilala bilang PDG.
Kung totoo nga raw ito, halos kumpleto na sana ang mga miyembro ng PDG na makakasama sa proyekto ni Vice. Subalit lumabas din ang tsismis na hindi kabilang si Will Ashley dahil abala raw ito sa paggawa ng sequel ng pelikulang Bar Boys. Ayon pa sa ilang source, hindi rin daw pinayagan ng kanyang mother network si Will na tumanggap ng nasabing proyekto dahil may nakalaan nang ibang plano para sa kanya.
Diumano, balak daw ng naturang network na maisama ang pelikula ni Will sa MMFF, dahilan para hindi ito makadalo sa proyekto nina Vice at PDG. Dahil dito, maraming tagahanga ang nalungkot, lalo na ang mga solid na supporters ng buong grupo. Para sa kanila, malaking kawalan ang hindi pagsama ni Will dahil mabubuo sana muli ang samahan ng PDG sa isang malaking pelikula.
Umani tuloy ng samu’t saring reaksyon mula sa mga netizen. May ilan na naghayag ng pagkadismaya, sinabing napakalaking oportunidad sana para kay Will ang makasama sa pelikula, lalo na’t hindi basta-basta ang mga makakatrabaho niya rito—mga batikang artista at direktor sa industriya ng pelikulang Pilipino. “If this is true, then I really feel bad for Will. The whole PDG fam will be there except for him. And it’s not just a usual movie, the cast and director are legends in the Filipino entertainment industry, so it’s really a lost opportunity,” ayon sa isang fan.
Gayunpaman, may iba namang tagasuporta na nagsabing hindi dapat gawing isyu ang hindi pagsama ni Will. Para sa kanila, may sarili na itong proyekto at dapat ay mag-focus siya sa pelikulang Bar Boys 2. Sabi nga ng isa: “Di naman about PDG yung story be jusko ang ooa ng mga fans ni Will gusto laging kasama sa mga ganap. May Bar Boys na nga siya.”
Sa kabilang banda, hindi rin maiwasan ng ilang fans na makaramdam ng lungkot. Para sa kanila, hindi lamang tungkol sa love team o personal na paborito ang usapan, kundi tungkol sa pagkakataong sana ay magkasama-sama ulit ang buong PDG sa isang malaking pelikula. “My heart hurts for him. This is really not about WillCa at all, but about him missing the opportunity to join when all other members of PDG is present. Napakalaking sayang sobra. Nakakaiyak,” ayon sa isa pang fan.
Hanggang sa ngayon, nananatiling usap-usapan pa rin ang balitang ito at wala pang opisyal na kumpirmasyon mula kina Vice Ganda, sa mga miyembro ng PDG, o sa kanilang mga management. Gayunpaman, ipinapakita lamang nito kung gaano kalakas ang hatak ng PDG at kung gaano kalalim ang pagmamahal ng mga fans sa kanilang samahan.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!