Tila nagkaroon ng sabayang unfollow party ang ilang tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa komedyante at TV host na si Vice Ganda matapos itong magbitaw ng mga patutsada patungkol sa dating presidente.
Ayon sa mga netizen na nakapansin, hindi na raw umabot sa 20 milyon ang bilang ng Facebook followers ni Vice. Mula sa dating lampas 20M na bilang, bumaba ito sa 19M, bagay na iniuugnay ng ilan sa kontrobersiyang kinasangkutan niya kamakailan.
Sa unang gabi ng “Superdivas” concert kung saan kasama niya si Regine Velasquez, nagbiro si Vice tungkol sa tinaguriang “jet ski holiday.” Aniya,
“Nothing beats a jet ski holiday, right now from Manila to the West Philippine Sea via jet ski. Get unlimited water bombing from Chinese vessels and a free trip to The Hague by the ICC (International Criminal Court). Promo applies to DDS (Diehard Duterte Supporters) only. Pinklawans and BBMs are prohibited.”
Dagdag pa niya,
“Huwag n’yo akong subukan, mga pu****i** n’yo,”
na ayon sa ilang nakapanood, tila paggaya umano sa istilo ng pagsasalita ni dating Pangulong Duterte na kilala rin sa paggamit ng mura sa talumpati.
Hindi ito nagustuhan ng maraming loyal supporters ng Duterte camp. May ilan na agad nanawagan na ideklarang persona non grata si Vice sa Davao City, habang ang iba nama’y nanghihikayat na i-boycott ang mga produktong kanyang iniendorso at suportado.
Bagama’t walang kumpirmadong ebidensya na direktang nag-uugnay sa pagbaba ng kanyang followers sa isyu, hindi maikakaila ang kapansin-pansing timing ng pangyayari. Kamakailan lang, noong Agosto 7, 2025, ipinost pa ni Vice ang pasasalamat niya sa Facebook dahil umabot na sa 20 milyon ang kanyang followers. Ngunit makalipas lamang ang ilang araw mula nang kumalat ang kanyang kontrobersyal na pahayag, bumaba na ito sa 19 milyon.
Sa social media, hati ang naging reaksyon ng publiko. May mga tagasuporta ni Vice na nagsabing malinaw lamang na ito’y pagpapakita ng kanyang estilo ng humor at satire, at dapat ay ituring na biro at hindi seryosong pang-iinsulto. Sa kabilang banda, may mga kritiko naman na naniniwalang lumampas na siya sa hangganan ng pagiging komedyante at nagdulot ito ng pang-aalipusta sa isang lider na patuloy na iginagalang ng kanyang mga tagasunod.
Samantala, patuloy na lumalawak ang diskusyon sa online platforms tungkol sa kung hanggang saan ang kalayaan ng mga artista at public figures na magpahayag ng opinyon, lalo na kung ito ay may bahid ng pulitika. Para sa ilang netizen, dapat ay maging maingat ang mga personalidad sa paggamit ng kanilang plataporma dahil malaki ang impluwensya nila sa kanilang milyun-milyong followers.
Sa kabila ng pagbagsak ng bilang ng kanyang followers, nananatiling tahimik si Vice Ganda tungkol sa isyung ito at wala pang opisyal na pahayag kung siya ba ay magbibigay ng paglilinaw o hahayaan na lamang na lumipas ang usapin. Sa ngayon, patuloy pa ring pinag-uusapan sa social media ang insidente at kung magkakaroon pa ito ng mas malawak na epekto sa kanyang karera at endorsements.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!