Nanindigan si Palace Press Officer Claire Castro para ipagtanggol si Vice Ganda laban sa mga bumabatikos sa kanya dahil sa tinaguriang “jet ski holiday” joke na naging laman ng usapan online. Ayon kay Castro, ang mga bagay na binanggit ni Vice sa kanyang spoof ay hindi imbento, kundi hango mismo sa mga pahayag ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Lumabas ang pahayag ni Castro matapos na umani ng batikos si Vice mula sa mga tagasuporta ng dating pangulo. Nangyari ito matapos niyang magbiro at gumawa ng parody ng isang kilalang meme sa social media sa unang gabi ng kanyang dalawang-araw na concert kasama si Regine Velasquez noong Agosto 8.
Para sa ilan, nakatawa lang ang biro, ngunit sa paningin ng ibang netizen, tila lumampas na raw si Vice sa “linya” at naging labis na ang biro. Marami sa mga kritiko, lalo na mula sa hanay ng DDS (Diehard Duterte Supporters), ang nagsabing hindi ito nararapat at tila patama ito sa dating pangulo.
Hindi ito pinalampas ni Castro. Sa pamamagitan ng isang video na in-upload niya sa kanyang personal na YouTube channel, direkta niyang sinagot at kinuwestiyon ang mga umaalma laban kay Vice.
“Bakit napipikon ‘yung DDS na jinoke si ex-president Duterte? Ginamit lang naman ito ni Vice Ganda bilang joke. E dati naman, si Duterte mismo ang nagsasabi nito bilang biro,” ani Castro.
Dagdag pa niya, malinaw na hindi gawa-gawa ng komedyante ang naturang pahayag. “Hindi ito imbento. Mismong siya (Duterte) ang nagsabi noon. Totoo rin na gumamit ng water cannon ang China laban sa ating Philippine Coast Guard. Ngayon, sino ba talaga ang bastos? Sino ‘yung palamura? Sino ang tunay na bumastos sa mga Pilipino?” tanong ni Castro.
Sa gitna ng kanyang pagpapaliwanag, ipinakita pa ni Castro ang isang video clip ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte sa isang “Free Duterte rally” na ginanap sa The Hague, Netherlands. Sa naturang kaganapan, binanggit umano ni Sara na nabigo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagpatuloy ang mga sinimulan ng administrasyon ng kanyang ama.
Mula rito, muling bumalik si Castro sa punto ng kanyang depensa kay Vice Ganda. “Binabastos n’yo ang Pangulo, pero disente kayo? Tapos si Vice Ganda, na hango naman sa dating pangulo ang mga sinabi, napipikon kayo?,” giit niya.
Sa kabuuan ng kanyang mensahe, iginiit ni Castro na hindi dapat gawing isyu ang biro ni Vice lalo na’t bahagi ito ng komentaryong nakabatay sa totoong pangyayari at pahayag ng isang dating lider. Para sa kanya, kung tatanggapin ng mga tao ang mga matitinding biro at salita mula sa mga politiko mismo, hindi dapat maging labis ang reaksiyon kapag ang parehong bagay ay ginamit sa anyo ng isang comedy skit o parody.
Ang pahayag ni Castro ay nagdadagdag sa patuloy na diskusyon sa social media hinggil sa kalayaan sa pagpapahayag, lalo na kapag ang usapin ay may halong pulitika at satire. Sa panahon ngayon kung saan mabilis kumalat ang mga opinyon at reaksyon online, nananatiling sensitibo ang mga paksang may kinalaman sa mga kilalang personalidad at dating opisyal ng gobyerno.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!