Mabilis na umalma si dating presidential spokesperson Harry Roque laban sa sikat na komedyante at TV host na si Vice Ganda kaugnay ng ginawa nitong parody hinggil sa tinaguriang “Jet Ski promise” ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, na may kinalaman sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Sa nasabing parody, ginamit ni Vice Ganda ang patok na background music sa TikTok na “Jet2 Holiday” upang maghatid ng satirikong biro patungkol sa naging pahayag ni Duterte noon na magje-jet ski siya patungo sa WPS. Sa mapanuyang estilo, idinagdag pa ni Vice ang tungkol sa mga DDS o Diehard Duterte Supporters at nagtapos sa panggagaya sa boses ng dating pangulo na may kasamang matapang at malutong na pagmumura. Lubos naman itong ikinatawa ng mga nanonood sa live audience.
Sa kanyang biro, sinabi ni Vice:
“Nothing beats a jet ski holiday, right now from Manila to the West Philippine Sea via jet ski. Get unlimited water bombing from Chinese vessels and a free trip to The Hague by the ICC. Promo applies to DDS only. Pinklawans and BBMs are prohibited. Huwag n’yo akong subukan, mga put*** ina n’yo!”
Agad itong umani ng matinding reaksyon mula sa ilang tagasuporta ni Duterte, kabilang na si Roque. Sa pamamagitan ng isang Facebook Live session, ipinahayag ni Roque ang kanyang matinding disgusto sa ginawa ni Vice. Giit niya, tila patuloy pang tinatadyakan ni Vice ang dating pangulo kahit umano’y “nakadapa na ito” at dumaranas ng mabigat na sitwasyon.
Pahayag ni Roque:
“Alam mo kasi tayong mga Pilipino, kapag ang isang tao ay nakadapa na, hindi na sinisipa. Pero ang ginawa mo, Vice Ganda, para bang nasa Hague na si Tatay Digong, nakakulong na, 80-anyos na at tila wala nang pag-asang makalaya, sinisipa mo pa rin. Ano bang kaligayahan ang nakukuha mo sa gano’n? Kung wala ka nang magandang masasabi, mas mabuti pang manahimik ka na lang.”
Dagdag pa ni Roque, tila ang layunin daw ni Vice ay patuloy pang saktan at durugin ang dating pangulo kahit nasa mahirap na kalagayan na umano ito. Pinunto rin niya na hindi ganoon ang likas na ugali ng mga Pilipino, at hindi raw ito nakakatawa para sa nakararami.
“Ang gusto mo ba talaga ay tirisin pa ‘yong tao na nakakulong na? Sa tingin mo ba natutuwa ang taumbayan? Naku, ang Pilipino hindi ganiyan,” dagdag pa ng dating tagapagsalita.
Sa kabila ng kontrobersya, nananatiling tahimik ang kampo at pamilya ni dating Pangulong Duterte. Wala pa silang opisyal na tugon o pahayag hinggil sa isyung ito.
Ang insidenteng ito ay muling nagpapakita ng matinding hidwaan at mainit na palitan ng opinyon sa pagitan ng mga tagasuporta at kritiko ng dating pangulo, lalo na’t nananatiling sensitibo ang usapin tungkol sa WPS at sa mga naging pahayag ni Duterte noong siya ay nasa puwesto pa. Samantala, si Vice Ganda ay kilala sa paggamit ng komedya bilang paraan ng pagbibigay komento sa mga isyu, ngunit sa pagkakataong ito, malinaw na nakasakit ito sa ilang sektor, partikular na sa mga nananatiling matapat sa dating lider.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!