Nagbukas muli ng usapin si Baron Geisler matapos niyang ibunyag na siya at ang kanyang asawang si Jamie Marie ay naloko umano ng isang contractor sa Cebu na umano’y may kaugnayan sa isang kilalang politiko.
Sa kanyang Facebook post noong Agosto 26, ikinuwento ng aktor ang kanilang naging karanasan. Ayon sa kanya, ilang ulit na silang nagpadala ng demand letter sa naturang contractor, ngunit tila walang balak na sumagot o umaksyon ang kabilang panig. Ang mas masakit pa, matapos ang ilang pagsubok na makipag-ugnayan, bigla na lamang daw siyang binlock sa Facebook ng contractor.
“May contractor na ngloko sa amin dito sa Cebu. Connected sa malaking politician. Pinadalhan namin ng demand letter 3 times or more. Tapos binlock na ako sa FB. Hehehe. Pina-Diyos ko na lang,” saad ni Baron sa kanyang post na agad namang umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens.
Hindi na nagpaligoy-ligoy pa ang aktor at sa comment section mismo ay binanggit niya ang pangalan ng contractor na umano’y hindi tinapos ang proyektong matagal na nilang binayaran—mahigit dalawang taon na ang nakararaan.
Bukod dito, idinetalye rin ni Baron ang masakit na bahagi ng kanilang karanasan. Aniya, hindi lamang sila nawalan ng pera kundi nagamit pa raw sa pulitika ang kanilang pinagpaguran. Ikinuwento niya na siya mismo ang tumulong sa pangangampanya ng kaalyado ng naturang contractor—halos buong panahon ng kampanya ay naroon siya, nagbigay ng suporta, at hindi man lang humingi ng kapalit. Ngunit, ayon sa aktor, nang matalo sa halalan ang politiko, doon niya napagtanto na malaki ang posibilidad na ang perang ipinagkatiwala nila ng kanyang asawa para sa proyekto ay nauwi sa gastusin sa kampanya.
“Ang masaklap, tinulungan ko sila mangampanya for free halos buong kampanya kasama ako. Tapos natalo, then ‘yun naisip ko ‘yung pera na buo na binigay namin mag-asawa, ginamit sa campaign nila. Kaso ayun natalo,” dagdag pa niya.
Gayunpaman, nilinaw ni Baron na hindi na siya nagtataglay ng galit o hinanakit sa naturang contractor. Ayon sa kanya, nakapag-move on na silang mag-asawa sa pangyayaring ito at mas pinipili na lamang nilang ituon ang atensyon sa positibong aspeto ng kanilang buhay.
“I’m just making light of the situation. Since malabo ng makabalik pera namin, okay lang, si God naman always fights for my battles. Basta happy na kami ngayon ni Jamie so naka-move on na. Kaso may mga ganitong lumalabas so timely lang,” pahayag niya.
Marami ring netizens ang nagpahayag ng suporta at simpatya sa mag-asawa. Para sa ilan, pinatunayan lamang ng aktor na kahit ang mga kilalang personalidad ay hindi ligtas sa panlilinlang, lalo na kapag may impluwensya ang taong sangkot. May ilan namang humanga sa pananaw ni Baron dahil sa kabila ng malaking pagkalugi, pinili pa rin niyang manatiling positibo at ipinauubaya na lamang sa Diyos ang laban.
Sa huli, ipinakita ng aktor na bagama’t masakit ang karanasan, mas mahalaga pa rin ang katahimikan ng isip at kasiyahan sa pamilya kaysa magpakalunod sa galit at habol sa perang baka hindi na maibalik.

Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!