Isang malungkot na balita ang gumulantang sa mga tagasubaybay ng paranormal community: pumanaw ang kilalang paranormal investigator na si Dan Rivera habang nasa gitna ng isang tour kung saan kasama niya ang kontrobersyal na “Annabelle” doll—isang sikat na manika na sinasabing sinapian ng masasamang espiritu.
Sa isang opisyal na pahayag na inilabas ng New England Society for Psychic Research (NESPR) noong Hulyo 15, kinumpirma nilang sumakabilang-buhay si Dan noong Hulyo 13 sa edad na 54. Ayon sa organisasyon, labis nilang ikinalulungkot ang pagkawala ng isa sa pinakapinagkakatiwalaan nilang senior investigator.
“We are heartbroken and still processing this loss. Dan truly believed in sharing his experiences and educating people on the paranormal. His kindness and passion touched everyone who knew him. Thank you for your support and kind thoughts during this difficult time,” bahagi ng kanilang pahayag.
Kilalang-kilala si Dan Rivera sa mundo ng mga mahihilig sa kababalaghan. Isa siyang pangunahing tagapagsaliksik ng NESPR at madalas lumalahok sa mga paranormal conventions, lecture series, at house investigations para tumulong sa mga pamilyang nakararanas ng kakaibang pangyayari sa kanilang tahanan. Ayon sa hiwalay na mensahe mula sa organisasyon, hindi lamang basta trabaho ang turing ni Dan sa kanyang ginagawa—ito raw ay isang misyon upang makatulong at magbigay-liwanag sa mga taong nangangailangan ng paliwanag sa mga hindi maipaliwanag na karanasan.
“Ang kanyang pagmamahal sa larangan ng paranormal ay hango sa isang taos-pusong hangarin na tumulong sa kapwa, magbahagi ng kaalaman, at kumonekta sa mga tao—sa pamamagitan man ng social media, mga pagtitipon, o pag-iimbestiga sa mga bahay ng ordinaryong pamilya,” dagdag pa nila.
Bagama't hindi pa detalyado ang sanhi ng kanyang biglaang pagpanaw, marami ang nagtatanong kung may kaugnayan ito sa tour na kanilang isinagawa kasama ang kilabot na Annabelle doll—isang manika na unang sumikat sa mga imbestigasyon ng mag-asawang Ed at Lorraine Warren, at naging inspirasyon ng maraming pelikula, kabilang na ang franchise ng The Conjuring.
Dahil sa pangyayaring ito, nabalot ng lungkot ang buong komunidad ng paranormal enthusiasts sa buong mundo. Marami sa mga tagasubaybay ni Dan ang nagpaabot ng pakikiramay sa social media, kabilang ang mga pamilyang tinulungan niya noon, mga kapwa eksperto sa paranormal, at maging ang mga baguhan sa larangan na humanga sa kanyang kababaang-loob at dedikasyon.
Samantala, inihayag ng NESPR na sa kabila ng pagpanaw ni Dan, kanila pa ring itutuloy ang mga naka-line up na events para sa taong ito. Anila, ang pagpapatuloy ng mga ito ay isang paraan ng pagpupugay sa alaala ng kanilang minamahal na kasamahan.
Sa likod ng kanyang mga pakikipagsapalaran sa mundo ng hindi pangkaraniwan, mananatiling buhay si Dan Rivera sa alaala ng mga taong kanyang natulungan at mga kabataang kanyang na-inspire na tahakin ang landas ng pag-aaral sa paranormal.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!