Hindi inaasahan ng dating aktres na si Jewel Mische na isang simpleng panayam sa telebisyon ang magbubunsod ng sari-saring reaksiyon mula sa netizens, lalo na sa mga tagahanga ng aktor na si Paulo Avelino. Sa naging panayam niya kay Boy Abunda, bumalik-tanaw si Jewel sa kanyang karanasan noong siya ay nagsisimula pa lamang sa mundo ng showbiz.
Habang ikinukuwento ang ilang bahagi ng kanyang karanasan sa industriya, nabanggit ni Jewel na may ilang lalaki noon na nagpakita ng interes sa kanya. Ngunit may isa umanong talagang tumatak sa kanya — si Paulo Avelino.
Ayon sa aktres, si Paulo raw ang naging malapit sa kanya sa mga panahong iyon. Inilarawan niya ito bilang isang taong palaging nasa tabi niya at handang ipagtanggol siya sa kahit na anong sitwasyon.
“Pero yung seryoso talaga was Paulo. Naging kami rin ‘yung naging close. Siya talaga ‘yung tagapagtanggol ko that time. Siya yung talagang naka-close ko.”
Bagama’t tila inosente lamang ang pag-alaala ni Jewel sa kanyang nakaraan, hindi ito naging maganda ang dating sa ilang netizens, lalo na sa mga matagal nang tagasuporta ni Paulo. Sa social media, bumuhos ang mga negatibong komento na tila pinaparatangan si Jewel na ginagamit lamang ang pangalan ni Paulo para muling makuha ang atensiyon ng publiko.
May ilan pang nagsabi na tila sinusubukan ni Jewel na makabalik sa showbiz gamit ang pangalan ng ngayo’y matagumpay na aktor. “Hindi naman siya binanggit noon, bakit ngayon pa?” saad ng isang netizen. “Ngayong sikat na si Paulo, saka siya naalala?”
May nagsabi rin na tila hindi na kailangan pang ungkatin ang nakaraan, lalo na kung wala namang balak si Paulo na balikan ang anumang namagitan sa kanila. “Past is past. Wala namang nabanggit si Paulo tungkol kay Jewel, bakit siya pa ang magdadala nito sa publiko?” ani ng isa.
Hindi rin nakaligtas sa isyu ang kasalukuyang karelasyon ni Paulo na si Kim Chiu. Maraming netizens ang nagpakita ng suporta sa dalawa, at sinabing mas mainam na hayaan na lamang si Paulo na maging masaya sa kanyang bagong pag-ibig. “Masaya na siya kay Kim, huwag na nating guluhin pa,” wika ng ilan.
May mga nagsuspetsa rin na baka may layuning bumalik si Jewel sa mundo ng showbiz kaya niya binanggit ang aktor. “Comeback strategy ba ito?” tanong ng isa. Samantalang ang iba naman ay tila nagpakita ng pagkaawa o simpatya, na sinasabing baka si Jewel ay simpleng nagkukuwento lamang ng nakaraan niya, ngunit mali ang naging interpretasyon ng publiko.
Sa gitna ng mga batikos, wala pang tugon si Jewel tungkol sa kontrobersiyang ito. Hindi pa rin nagbibigay ng anumang pahayag si Paulo Avelino, na tila piniling manahimik sa isyung muling iniugnay sa kanya.
Sa kabuuan, tila naging mitsa ng bagong usapin ang simpleng pagbabahagi ni Jewel ng isang bahagi ng kanyang nakaraan. Isa na namang patunay na sa mundo ng showbiz, bawat salita at pahayag ay maaaring magdulot ng kontrobersiya — lalo na kapag ang pangalan ng isang sikat na personalidad ang nadadamay.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!