Hindi inaasahan na madadamay ang aktres na si Janella Salvador sa kontrobersyal na hiwalayan nina Klea Pineda at Katrice Kierulf. Kasalukuyang usap-usapan online ang tila pag-uugnay ng ilang netizens kay Janella bilang dahilan ng breakup ng dating magkasintahan.
Ang spekulasyon ay nagsimula matapos mapansin ng ilang mga masusing netizens—o tinaguriang “Marites”—na tila aktibo si Katrice sa pagla-like ng mga post at komento na tumutukoy kay Janella bilang posibleng third party sa relasyon nila ni Klea. Hindi ito nakaligtas sa mata ng mga mapanuring netizen, at agad na lumaganap ang espekulasyon sa social media.
Kamakailan lamang ay kinumpirma ni Klea Pineda sa isang panayam kasama si Boy Abunda na sila ni Katrice ay isang buwan nang hiwalay. Nilinaw rin niya na ang kanilang desisyon ay mutual at walang kinalaman sa pagtataksil o third party. Ayon kay Klea, ang kanilang paghihiwalay ay bunsod ng pagkakaiba ng kanilang mga personal na layunin at prayoridad sa buhay sa kasalukuyan. Aniya, maayos silang nagpaalam sa isa’t isa, at nananatili ang respeto nila sa naging tatlong taong relasyon.
Sa kabila ng malinaw na pahayag mula kay Klea, hindi pa rin napigilan ng publiko ang gumawa ng sariling teorya, lalo na’t may mga lumalabas na umano’y sightings nina Janella at Klea na magkasama sa ilang pampublikong lugar. Isa sa mga viral na komento sa isang TikTok video ang nagsabing nakita raw ang dalawa na magkasamang namamasyal sa Bonifacio Global City (BGC) kamakailan lang. Ang komento ring ito ay sinasabing na-like ni Katrice, dahilan upang lalong lumakas ang hinala ng netizens.
Dagdag pa ng isang netizen sa Reddit, may mga usap-usapan na noon pa man daw ay bukas na si Janella sa kanyang sekswalidad at mayroon pa raw siyang naging lihim na relasyon noong siya’y nasa kolehiyo. Isa rin itong komento na iniuugnay kay Katrice sa pamamagitan ng mga pag-like niya sa naturang post.
Sa kabilang banda, may mga tagahanga naman nina Janella at Klea ang nagtanggol sa kanilang idolo. Ayon sa ilan, posibleng ang pagiging magkasama ng dalawa ay dahil sa kanilang bagong proyekto na “Open Endings”, isang pelikulang kalahok sa Cinemalaya 2025, kung saan sila ang mga pangunahing bida. Giit nila, maaaring ginagamit lamang ng ibang netizen ang isyu para pag-usapan ang pelikula, na maaaring bahagi ng promo o publicity stunt.
Sa ngayon, nananatiling tikom ang bibig ni Janella Salvador ukol sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa nasabing isyu. Wala pa siyang inilalabas na opisyal na pahayag, maging sa kanyang social media accounts. Hindi rin siya nagbigay ng reaksiyon sa mga komento na inuugnay siya sa hiwalayan ng dating magkasintahan.
Habang lumalala ang tsismis sa social media, patuloy namang umaasa ang ilan sa fans na lilinawin rin ng tatlong panig ang katotohanan sa likod ng mga usap-usapan. Hangad din ng marami na sana'y huwag nang palakihin pa ang isyu at bigyang respeto ang pribadong buhay ng bawat isa.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!