AlDub Fans Binalikan Ang Kalyeserye Sa Ika-10 Anniversary

Huwebes, Hulyo 17, 2025

/ by Lovely


Isang pagbabalik-tanaw ang muling nagbigay ng kilig at damdaming nostalhik sa maraming netizens nitong Hulyo 16, matapos kumalat sa social media ang mga lumang larawan at video mula sa kilalang segment ng Eat Bulaga na tinawag na "Kalyeserye". Ang nasabing bahagi ng programa ang siyang nagpasikat sa tambalang AlDub — sina Alden Richards at Maine Mendoza bilang si Yaya Dub.


Ang kanilang tandem ay nagsimula noong 2015, sa isang tila simpleng araw ng "Juan For All, All For Juan" segment. Sa pamamagitan ng split-screen, unang nasilayan ni Maine si Alden habang nasa kalye siya bilang Yaya Dub. Doon nagsimula ang hindi inaasahang tambalang agad na minahal ng sambayanang Pilipino.


Mula noon, araw-araw nang inaabangan ng mga manonood ang bawat episode ng Kalyeserye. Nagmistulang kasaysayan ang pagkaka-develop ng kwento ng pag-ibig nina Yaya Dub at Alden, na hindi man lantarang nagkikita o nagkakausap sa simula, ay pinanood ng milyun-milyong Pilipino sa bawat hakbang ng kanilang “love story”.


Ngayong taon, muling nag-trending ang AlDub at Kalyeserye bilang paggunita sa kanilang ika-10 anibersaryo. Sa iba’t ibang social media platforms, ibinahagi ng mga fans ang kanilang mga alaala, karanasan, at saloobin ukol sa panahong naging bahagi ng kanilang araw-araw ang tambalan.


Narito ang ilan sa mga ibinahaging pahayag ng mga netizens:


“Give natin sa Kalyeserye ng AlDub, ang Happy 10th anniversary! Hindi ko malilimutan, iyong nagmimistulang ghost town mga brgy. samin kapag sapit ng 12:00nn/1:00pm. Buong bansa or even Pinoy abroad tumutok talaga. Grabe ang massive impact non.”



“Happy 10th, aldub and kalyeserye! despite everything that happened, nothing can change the fact that they became a source of my happiness in a period of my life.”


“Kalyeserye’s impact on Philippine television can never be denied! EVERYBODY (even talents from ABS-CBN) tuned in to see how their story would unfold because each serye got better and more exciting every single time. We’ll probably never experience anything like this again.”


“Kahit hindi naman sadya ang pagkakaroon ng ALDUB at Kalyeserye, marami naman talagang aral ang binigay nito lalo ng mga lola sa mga manunood. Isang factor kaya inabangan at sinubaybayan ng madla.”


Ang tambalan nina Alden at Maine ay hindi lamang basta-bastang love team; naging bahagi sila ng pop culture ng bansa. May mga pagkakataong dahil sa kanila, bumababa ang trapiko tuwing oras ng Kalyeserye, at napupuno ang social media ng hashtags gaya ng #AlDubNation at #Kalyeserye.


Isa pang hindi malilimutang aspeto ng Kalyeserye ay ang mga aral at moral lesson na tinatalakay nito — kagandahang asal, kahalagahan ng pamilya, respeto sa magulang, at pagiging totoo sa sarili. Hindi lamang puro kilig ang hatid nito kundi inspirasyon din sa maraming Pilipino, lalo na sa kabataan.


Sa paglipas ng panahon, maaaring nawala man sa ere ang Kalyeserye, pero ang alaala at epekto nito ay mananatiling buhay sa puso ng mga tagahanga. Isa itong patunay na minsan sa kasaysayan ng Philippine television, nagkaroon ng tambalang hindi lang basta pinapanood — kundi iniidolo, minahal, at naging bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga tao.


Sa ika-10 anibersaryo ng AlDub at Kalyeserye, muli nating naalala kung paanong ang isang simpleng ngiti sa split screen ay naging simula ng isang napakalaking kilig-serye na hindi malilimutan ng sambayanang Pilipino.

 

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo