Zeinab Harake, Ray Parks Nilinaw Ang Paper Plate Issue Sa Kanilang Kasal

Miyerkules, Hunyo 18, 2025

/ by Lovely


 Usap-usapan ngayon sa social media ang umano’y napakalaking halaga na ginastos nina Zeinab Harake at Bobby Ray Parks, Jr. para sa kanilang kasal na ginanap noong Hunyo 1 sa marangyang Crystal Palace of Aquila sa Tagaytay City. Ayon sa ilang balita, pumalo raw umano sa ₱20 milyon ang kabuuang gastos para sa seremonyang ito na dinaluhan ng mga kilalang personalidad.


Isa pa sa naging sentro ng usapan ay ang wedding cake ng mag-asawa, na sinasabing umabot sa halagang ₱2 milyon. Dahil dito, lalong tumibay ang haka-haka ng publiko na sobra-sobra ang kanilang naging budget para sa kanilang pag-iisang dibdib.


Gayunpaman, imbes na humanga ang ilan sa engrandeng kasalan, may ilang netizens na nagtaka kung bakit paper plates ang ginamit ng mga bisita sa ilang bahagi ng programa. Ayon sa kanila, kung milyon-milyon ang inubos sa kasal, bakit tila tinipid sa mga gamit gaya ng plato?


Kaya naman sa naging panayam sa programa ni Boy Abunda na “Fast Talk with Boy Abunda”, inilahad nina Zeinab at Bobby Ray ang kanilang panig at sinagot ang mga kumakalat na isyu tungkol sa kanilang kasal.


Ayon kay Zeinab, hindi naman ginamit sa mismong reception ang mga paper plate na kinukuwestiyon ng publiko. Paliwanag niya, “Kaya may paper plate, dahil sa cocktail area. May pika-pika kasi after the ceremony, before mag-fireworks, para hindi naiinip ‘yung aming mga bisita po and magutom.Nag-ready kami ng mga pika-pika. So that’s a pika-pika. Hindi siya ‘yung sa reception.”


Dagdag pa niya, tila lahat na lang ay pinupuna sa kanilang kasal. “Lahat na lang pinapansin. Minsan nakakapagod din,” aniya.


Sa usapin naman ng sinasabing ₱20 milyon na ginastos sa buong kasal, agad itong pinabulaanan ng sikat na vlogger. 


“Ako talaga nag-comment ako, ‘OA.’ Kasi masyado nilang pinapalaki," paglilinaw ni Zeinab.


Maging ang usap-usapang ₱2 milyong halaga ng kanilang wedding cake ay itinanggi rin niya.


“Even the cake, naging P2 million na hindi naman po talaga. And hindi po umabot ng P20 million ‘yung wedding namin,” dagdag pa niya.


Sa panig naman ng basketball player na si Bobby Ray, mas pinili nitong magpasalamat na lang sa mga taong nagbigay ng atensyon at paghanga sa kanilang kasal. 


“To be honest, na-humble po ako and blessed at the same time kasi po ganu’n po na po kataas ang tingin nila sa amin," wika niya.


Bagama’t maraming kontrobersya ang bumalot sa kanilang kasal, mas pinili ng mag-asawa na ituon ang pansin sa pagmamahalan nila at sa suporta ng kanilang pamilya’t malalapit na kaibigan. Ayon sa kanila, higit pa sa anumang halaga ng pera, ang mahalaga ay ang tunay na kahulugan ng kanilang pag-iisang dibdib.


Sa huli, malinaw ang mensahe nina Zeinab at Bobby Ray: hindi kailangang maging sobrang mamahalin ang lahat ng aspeto ng kasal para masabing espesyal ito. Ang importante ay ang pagdiriwang ng pagmamahalan at ang presensya ng mga taong mahalaga sa kanila.


Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo