Isa sa mga pinakinaabangang kaganapan sa Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition kamakailan ay ang pagbisita ng kilalang aktres, fashion icon, at Kapuso star na si Heart Evangelista bilang espesyal na houseguest. Hindi lang kasiyahan at karangyaan ang ibinahagi ni Heart sa loob ng Bahay ni Kuya, kundi maging ang kaniyang mga personal na karanasan at pananaw sa buhay, lalo na pagdating sa usaping pag-ibig at mga relasyong hindi na nakakabuti.
Habang nagkakaroon ng masinsinang kwentuhan ang mga housemates kasama si Heart, napunta ang usapan sa dating mga relasyon — kung paanong ito ay maaaring maging masaya sa simula, ngunit maaaring humantong sa pagiging toxic o nakalalason sa emosyon at isipan.
Isa sa mga housemates na si AZ Martinez ang nagbukas ng kaniyang saloobin tungkol sa kanyang dating relasyon. Ayon sa kanya, pareho umano silang naging toxic ng kanyang dating partner. Hindi raw naging madali ang kanilang pagsasama, at sa kabila ng mga palatandaan na dapat na siyang umalis, pinili pa rin niyang manatili.
“Admittedly I was toxic and he was toxic also. We were both toxic. Dito ko na-realize na pinipilit ko na lang kahit hindi na dapat kasi there was a time na dapat mag-wo-walk away na siya. Pinilit ko,” kwento ni AZ.
Pagpapatuloy pa niya, “I asked him to stay. Hindi ko rin kaya mag-isa. Sobrang dependent ako sa kanya. and I really wanted it to last but I ignored all the signs.”
Sa pagsasalaysay ni AZ, makikitang maraming kabataan — at kahit matatanda — ang makaka-relate sa ganitong uri ng relasyon. Iyong tipong pilit mo pa ring pinanghahawakan ang isang bagay kahit alam mong hindi na ito nakabubuti para sa inyong dalawa.
Matapos marinig ang saloobin ni AZ, nagbahagi si Heart ng makabuluhang payo na agad tumatak hindi lamang sa mga housemates, kundi maging sa mga manonood ng programa.
Ayon kay Heart, ang toxic na relasyon ay maihahalintulad sa isang virus — unti-unting sumisira, ngunit maaari rin namang mapagtagumpayan kung may sapat na lakas ng loob na humiwalay dito.
“Para lang ‘yan virus. Mamamatay din ‘yang virus na ‘yan. With a habit, it takes two weeks to break a habit. It only takes two weeks."
“If you know it’s toxic, why are you gonna waste your beauty? Why are you gonna waste your time when you could be with the right person?” ani Heart na may halong biro ngunit puno ng katotohanan.
Dagdag pa niya, sa sandaling makawala ang isang tao sa ganitong uri ng relasyon, mas magiging malinaw sa kanya ang kanyang halaga at ang leksyon na dala ng karanasan.
“Kapag nakawala ka na diyan, iba na ang magiging pananaw mo sa buhay. Magiging mas matibay ka. Kaya huwag ka nang babalik sa kanya. Gamitin mo ‘yang karanasan mo bilang hakbang para sa mas magandang bukas,” mariing payo pa niya kay AZ.
Hindi rin nakalimutan ni Heart na hikayatin si AZ at ang iba pang housemates na pahalagahan ang sarili, ang kanilang mental health, at ang mga taong tunay na nagbibigay ng suporta at pagmamahal sa kanila.
Ang pagpasok ni Heart sa Pinoy Big Brother ay hindi lang nagbigay aliw kundi nag-iwan din ng malalim na mensahe sa mga kabataang Pilipino — na ang tunay na pagmamahal ay hindi dapat sinasaktan, hindi dapat pinipilit, at lalong hindi dapat maging dahilan upang mawala ang sariling pagkatao.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!