Naglabas ng isang mahabang paliwanag si Euleen Castro, na mas kilala online bilang Pambansang Yobab, upang linawin ang kanyang panig kaugnay ng kontrobersyal na bad review na kanyang ginawa patungkol sa isang coffee shop sa Iloilo. Ang nasabing review ay naging viral at umani ng sari-saring reaksiyon mula sa mga netizens, kung saan marami ang nagpahayag ng pagkadismaya sa diumano'y negatibong tono ng kanyang video.
Sa kanyang YouTube channel, nag-upload si Euleen ng isang interview-style vlog upang ikuwento ang kabuuan ng pangyayari at upang malinawan ang kanyang intensyon sa paggawa ng nasabing content. Ayon sa kanya, galing sila sa panonood ng sine at naghanap lamang sila ng lugar kung saan puwedeng magkape at makapagpahinga. Sa kasamaang palad, ang napuntahan nilang coffee shop ay hindi umano nakasunod sa kanyang personal na panlasa.
Kwento pa ni Euleen, marami siyang in-order na pagkain at inumin mula sa menu ng café para masubukan ang iba’t ibang offerings nito. Paliwanag niya, bihira raw kasi siyang makakita ng ganoong klaseng coffee shop sa Maynila, kaya naisip niyang sulitin ang pagkakataon. Gayunpaman, hindi raw niya nagustuhan ang lasa ng karamihan sa mga ito.
"Honestly, hindi po talaga ako nasarapan, and opinyon ko naman po 'yon," saad niya.
Nilinaw din ng content creator na hindi niya intensyong siraan ang naturang establisyemento. Ayon sa kanya, wala siyang sinabing huwag tangkilikin ang coffee shop o i-boycott ito. "Hindi ko sinabing huwag puntahan, hindi ko sinabing magsara kayo..." dagdag pa niya.
Umani rin ng batikos mula sa ilang netizens ang paraan ng kanyang pagsasalita sa nasabing review, partikular na ang paggamit niya ng mga mura o masasamang salita. Ayon sa kanyang mga kritiko, hindi raw ito angkop sa isang food review, lalo na kung ito ay ibinabahagi sa publiko. Tugon ni Euleen, ang kanyang pagsasalita ay bahagi lamang ng kanyang natural na expression at hindi raw ito direktang naka-address sa pagkain, staff, o mismong café.
"Wala akong minura, expression ko lang po talaga 'yon," depensa niya.
Sa kabila ng kanyang paliwanag, may ilan pa ring netizens na nanindigang hindi tama ang ginawa ni Euleen, lalo na’t may malaking impluwensiya siya bilang isang social media personality. Sa panahon ngayon na malaki ang epekto ng mga review online, mahalaga raw na maging responsable ang mga content creator sa kanilang mga sinasabi, lalo na kung maaaring maapektuhan ang kabuhayan ng iba.
Ngunit may mga tagasuporta rin si Euleen na nagsabing may karapatan siyang maglabas ng kanyang opinyon, basta't hindi ito nakakasira sa reputasyon ng iba nang walang sapat na basehan. Para sa kanila, dapat ding tingnan ang kabuuan ng nilalaman at hindi lang ang ilang bahagi ng video.
Sa huli, iginiit ni Euleen na bukas siya sa konstruktibong kritisismo at nais lamang niyang maging totoo sa kanyang sarili at sa kanyang audience. Aniya, patuloy pa rin siyang matututo bilang isang content creator at sisikapin niyang maging mas maingat sa kanyang mga susunod na content.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!