Ipinahayag ng kilalang gymnast na si Carlos Yulo, isang dalawang beses na nagkamit ng gintong medalya sa Olympics, ang kanyang hangarin na makatunggali o makasabay ang kanyang nakababatang kapatid na si Karl Eldrew Yulo sa darating na 2028 Olympic Games na gaganapin sa Los Angeles, California.
Sa isang panayam, isiniwalat ni Carlos ang kanyang matagal nang pangarap na pareho silang magkakapatid na makapasok at makapagkompetensiya sa parehong edisyon ng Olympics. Ayon sa kanya, magiging isang pambihirang karanasan ito, hindi lamang para sa kanila bilang magkapatid kundi para rin sa bansa. Layunin ni Carlos na sabay silang sumabak sa internasyonal na entablado at parehong maghangad ng gintong medalya para sa Pilipinas.
“Hindi kasi kami makakapagsabay sa Thailand SEA Games so baka sa Asian Games or sa Olympics,” ani Carlos sa panayam. Isa itong patunay ng kanyang determinasyon at tiwala sa kakayahan ng kanyang kapatid na si Karl.
Sa kasalukuyan, wala pang tugon si Karl Eldrew hinggil sa pahayag ng kanyang kuya. Ngunit inaasahan ng maraming tagasubaybay ng larangan ng gymnastics na malaki ang potensyal ni Karl na makamit ang gintong medalya sa 2028. Sa murang edad pa lamang ay nagpapakita na siya ng kahusayan at disiplina sa kanyang pagsasanay.
Si Karl ay kasalukuyang sinasanay ni Coach Munehiro Kugiyama, ang dating tagapagsanay ni Carlos Yulo. Si Kugiyama ay naging sentro ng kontrobersiya matapos iwan ni Carlos ang kanyang training camp sa ilalim ng naturang coach. Lumaganap ang espekulasyon na ang dahilan umano ng pag-alis ni Carlos sa kanyang dating coach ay may kinalaman sa kanyang personal na relasyon kay Chloe San Jose, ngunit wala pang pormal na kumpirmasyon mula kay Carlos hinggil dito.
Bagama’t may ilang intriga at balakid sa kanilang landas, kapwa nagpapakita ng dedikasyon sa isport ang magkapatid na Yulo. Sa tulong ng kani-kanilang mga coach at suporta ng mga Pilipino, pinaniniwalaang kayang-kaya nilang gumawa ng kasaysayan sa larangan ng gymnastics.
Maraming kababayan ang umaasa na matutuloy ang sabayang paglahok nina Carlos at Karl sa 2028 Olympics. Bukod sa pagiging bihasa at may world-class na kakayahan, ang pagkakaroon ng magkapatid sa parehong Olympic stage ay isang inspirasyon sa mga kabataang Pilipino na nangangarap ding makapasok sa internasyonal na paligsahan.
Ang istorya ng magkapatid na Yulo ay hindi lamang kwento ng tagumpay sa larangan ng isport kundi isang patunay ng pagpupursige, sakripisyo, at pagmamahalan sa loob ng pamilya. Kung sakali mang matuloy ang kanilang laban sa 2028 Olympics, ito ay tiyak na magiging makasaysayang sandali hindi lamang sa larangan ng gymnastics kundi sa kasaysayan ng sports sa Pilipinas.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!