Isang espesyal na selebrasyon ang ginanap sa Kamuning Bakery Café sa Lungsod Quezon noong Miyerkules, Mayo 21, bilang pag-alala sa yumaong Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Brodkast na si Nora Aunor. Sa araw ding iyon inilunsad ang isang kakaibang tinapay na tinawag na “Pan de Nora,” na alay sa alaala ng tinaguriang Superstar ng industriya ng pelikula.
Ang nasabing tinapay ay inilabas kasabay ng dapat sana'y ika-72 kaarawan ni Aunor. Bago pa man sumapit ang alas-siyete ng umaga, higit 500 piraso ng Pan de Nora ang naiprepara at naipadala na sa mga umorder nang mas maaga, patunay sa matinding suporta at pagmamahal ng kanyang mga tagahanga.
Ayon kay Noren Olivar, isa sa mga empleyado ng panaderya, espesyal ang disenyo at lasa ng Pan de Nora.
“Kaya siya tinawag na Pan de Nora, kasi po nilagyan namin siya ng nunal… ‘yung nunal po ay raisin, at tsaka ‘yung nasa loob po ay butter and cheese,” paliwanag ni Olivar.
Maraming tagahanga ni Nora Aunor ang personal na nagtungo sa panaderya upang makabili ng tinapay. Isa sa mga unang kostumer ay isang babaeng matagal nang tagasubaybay ni Aunor. Kwento niya, bata pa siya nang unang ipakilala sa mga pelikula ni Nora, na madalas nilang pinapanood noon kasama ang kanyang ina. Aniya, muling bumalik ang mga alaala ng kanyang kabataan habang kinakain ang Pan de Nora.
May isa pang kostumer na dumaan sa panaderya habang papunta sa trabaho. Inutusan umano siya ng kanyang amo na bumili ng Pan de Nora matapos itong makita sa social media. Nang matikman niya ito, agad siyang napabili muli para sa sarili.
“Parang melty with cheese tapos hindi siya parang hangin lang sa loob. Talagang swak na swak. Worth it talaga ‘yung pagbili mo… bibili ako ulit kasi masarap talaga,” pahayag niya.
Si Nora Aunor ay pumanaw noong Abril 16 sa edad na 71. Ang kanyang pagpanaw ay ikinalungkot ng maraming Pilipino, lalo na ng mga taong lumaki sa panonood ng kanyang mga pelikula at pakikinig sa kanyang mga awitin. Kaya’t ang paglikha ng Pan de Nora ay isang paraan upang buhayin ang alaala niya sa puso ng masa – hindi lamang sa pamamagitan ng sining kundi pati na rin sa panlasa.
Ang Kamuning Bakery Café, na kilala sa mahigit walumpung taon nitong serbisyo at pagiging bahagi ng kasaysayan ng Quezon City, ay patuloy sa pagsuporta sa mga lokal na artista at kulturang Pilipino. Sa paglikha ng Pan de Nora, pinatunayan ng panaderya na hindi kailanman malilimutan ang kontribusyon ng isang Nora Aunor – sa pelikula, musika, at sa buhay ng karaniwang Pilipino.
Ang kwento ng Pan de Nora ay hindi lang simpleng kwento ng tinapay. Isa itong paalala ng pagkakaisa ng mga Pilipino sa ilalim ng iisang alaala, ng isang Superstar na minahal ng masa. Sa bawat kagat ng Pan de Nora, dama ang init ng pagkakaalala, at ang tamis ng paggunita sa isang alamat ng sining Pilipino.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!