Nagpahayag ng buong suporta ang Mamamayang Liberal (ML) party-list at ang kanilang unang nominee na si Atty. Leila De Lima sa hakbang ng aktres na si Nadine Lustre na magsampa ng reklamo laban sa mga netizens na umano’y lumabag sa Safe Spaces Act. Ang kaso ay may kaugnayan sa sunod-sunod na mapanirang pag-atake at paninirang-puri na natanggap ng aktres sa social media.
Sa pamamagitan ng isang opisyal na pahayag na inilabas ng partido at ibinahagi rin sa Facebook page ni Atty. De Lima, mariing kinondena ng ML ang tila sistematikong cyberbullying na dinanas ni Lustre. Ayon sa partido, hindi dapat balewalain ang ganitong uri ng online na panliligalig, lalo na kung malinaw na ito’y naglalayong patahimikin at sirain ang kredibilidad ng isang indibidwal na aktibong gumagamit ng kanyang boses para sa adbokasiya at pagbabago.
"We at ML Partylist express full support for Nadine Lustre as she files a complaint for violation of the Safe Spaces Act in response to the relentless and malicious attacks she has endured," ayon sa pahayag ng ML party-list.
Idinagdag din nila na, "This is a necessary step in a time when social media is being used to silence voices that speak for justice and reform. Ginagamit ang mga plataporma para buwagin ang makabuluhang diskurso at palitan ito ng galit at paninira."
Binigyang-diin ng partido na bagama’t sinusuportahan nila ang kalayaan sa pagpapahayag, may hangganan ito lalo na kung ang layunin ay manakot, magpakalat ng disimpormasyon, at wasakin ang reputasyon ng iba.
Anila, "We believe in freedom of expression. Pero ang kalayaang ito ay hindi dapat gamitin laban sa katotohanan, dignidad, at demokrasya. Expression becomes dangerous when it is driven by disinformation and personal malice."
Ayon pa sa ML party-list, marami sa mga komento sa social media ay hindi na maituturing na simpleng opinyon.
"Marami sa mga lumalabas sa social media ngayon ay hindi maituturing na opinyon. These are part of deliberate effort to harass, discredit, and instill fear. May masamang intensyon. May malinaw na layunin na patahimikin ang mga tumitindig," saad ng pahayag.
Sa pamamagitan ng pagsuporta kay Nadine Lustre, nais iparating ng partido na hindi na dapat palagpasin ang ganitong uri ng asal. Ayon sa kanila, ang ginawang hakbang ng aktres ay hindi lamang para sa sarili niyang kapakanan kundi para rin sa kapakanan ng lahat ng biktima ng online harassment.
"We support Nadine. Her case is a stand for truth and accountability. Make no mistake: we will push back against this kind of behavior. Hindi ito katanggap-tanggap. Hindi ito dapat palampasin," dagdag pa nila.
Sa pagtatapos ng kanilang pahayag, pinasalamatan nila si Nadine sa kanyang katapangan: "Maraming salamat, Nadine, sa tapang at paninindigan. Sa bawat hakbang mo, mas lumalakas ang laban para sa isang makatao, makatarungan, at demokratikong lipunan."
Ang nasabing pahayag ay malinaw na pagsuporta sa aktres at sa mas malawak na layunin ng paglaban sa online harassment, disimpormasyon, at pang-aabuso sa digital platforms. Sa panahon kung saan laganap ang toxic behavior sa internet, ang pagtindig ni Nadine at ng ML party-list ay nagsisilbing paalala na may batas na dapat igalang at mga karapatang kailangang ipaglaban.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!