Coffee Shop Sa Iloilo, Umalma Sa Bad Review Ni Euleen Castro

Martes, Mayo 27, 2025

/ by Lovely


 Naglabas ng matapang na pahayag ang pamunuan ng isang kilalang coffee shop sa Iloilo matapos makatanggap ng negatibong pagsusuri mula sa content creator at social media personality na si Euleen Castro, mas kilala sa kanyang screen name na “Pambansang Yobab.”


Sa isang video na in-upload ni Euleen sa kaniyang TikTok account, ikinuwento niya ang karanasan nila habang kumakain sa nasabing coffee shop. Ayon sa kaniya, sinubukan nila ang ilang pagkain at inumin sa menu ngunit aniya, wala ni isa sa mga ito ang pumasa sa kanilang panlasa. Bukod dito, gumamit pa siya ng tahasang salita upang ilarawan ang hindi umano kaaya-ayang lasa ng kanilang mga inorder.


"Nag-try kami dito sa Coffeebreak. Andami. Out of all of you, all of you [mga inorder na food] walang masarap. Even the drinks. Even the lasagna. Lahat tab-ang... Ang dami n'yo diyan, walang masarap sa inyo? Ni isa? Puta,” pahayag niya sa video. 


Hindi pa roon nagtapos ang kanyang puna—nabanggit din niya ang pagmumura habang tinatanong ang mga taga-Iloilo kung saan sila maaaring makahanap ng mas masarap na coffee shop.


Dahil sa kontrobersyal na review na mabilis na kumalat online, agad na umaksyon ang pamunuan ng Coffeebreak Cafe International Inc. at naglabas ng opisyal na pahayag sa social media upang ipahayag ang kanilang panig ukol sa isyu. Bagama’t inamin nilang bukas sila sa mga puna o suhestiyon mula sa mga customer upang mapabuti ang kanilang serbisyo, kinondena nila ang paggamit ng mararahas at tahasang pananalita sa review ni Euleen.


"Thank you for sharing your thoughts Ms. Euleen Castro about your recent visit to Coffeebreak. We appreciate all feedback, as it helps us learn and improve," saad ng coffee shop sa kanilang opisyal na pahayag.


Subalit inilahad din nila na nabigla sila sa istilo ng paghahatid ng puna ni Euleen. Ayon pa sa kanila, hindi man lahat ay magkakapareho ng panlasa, naniniwala sila na ang anumang reklamo o puna ay maipapahayag sa paraang may paggalang.


"However, we were taken aback by the strong and explicit language used in your review. While we understand that not everyone will share the same taste, we believe that constructive criticism can always be communicated respectfully. We're proud of the word our team puts into creating a positive experience for every guest, and language that crosses the line can be dishearthening—not only to us but to the people who work hard every day to serve our customers," dagdag nila.


Ipinaalala rin ng pamunuan na mahigit dalawang dekada na silang nagseserbisyo sa mga mahilig sa kape sa Iloilo at ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatanggap sila ng review na may ganitong klaseng pananalita.


“Dalawampung taon na kaming nagbibigay serbisyo sa mga coffee lovers, at sa loob ng panahong iyon ay wala pa kaming naranasang pagtanggap ng ganitong uri ng nakakainsultong feedback mula sa aming mga bisita,” dagdag nila.


Sa pagtatapos ng kanilang pahayag, tiniyak ng Coffeebreak na mananatili silang tapat sa kanilang layunin na magbigay ng magandang karanasan sa bawat customer at bukas pa rin sila sa mga suhestiyon—ngunit sana’y ipahayag ito nang may sinseridad at respeto.


"And we will remain committed to providing a warm, satisfying experience to every guest—and to continuosuly grow from feedback shared with sincerity and RESPECT," wika nila sa panghuling bahagi ng kanilang mensahe.


Ang insidente ay naging usap-usapan sa social media, kung saan hati ang opinyon ng mga netizen. May ilan na sumang-ayon sa review ni Euleen, habang ang iba naman ay ipinagtanggol ang coffee shop at binatikos ang anila’y hindi propesyonal na paraan ng paglalabas ng saloobin ng content creator.

Walang komento

Mag-post ng isang Komento

Share your opinion now!

Don't Miss
© all rights reserved
made with by templateszoo