Matapos lumabas ang balitang engage na ang aktres na si Lovi Poe sa kanyang long time boyfriend, marami sa mga netizens ang nagsasabing matatanggal na rin ito sa teleseryeng Ang Batang Quiapo upang pagtuunan ng pansin ang paghahanda sa kanilang kanilang kasal.
Kaya naman, nagsilabasan na rin ngayon ang mga espekulasyon kung sino ang pipiliin ni Coco Martin na kanyang magiging bagong leading lady na siyang papalit kay Lovi Poe sa nasabing palabas.
Sa ngayon ay nasa Europe na umano si Lovi Poe para pagtuunan ng pansin ang nalalapit na pagpapakasal nila ng kanyang boyfriend.
Matatandaan na ibinahagi ni Lovi Poe sa kanyang Instagram post na matagal na silang engaged ng kanyang British boyfriend na si Monty Blencowe.
Sa kabilang banda, may mga nagsasabi naman na ang pag-alis ni Lovi Poe ngayon sa Batang Quiapo ay isang bakasyon lamang at nakapagtaping na rin umano ito bago siya umalis.
Gayunpaman, hinuha ng ilang mga netizens na tuluyan nang hindi babalik sa teleserye ang karakter ni Lovi Poe.
Sa ngayon ay wala pang ipinapalabas na pahayag ang pamunuan ng FPJ Ang Batang Quiapo hinggil sa mangyayari ngayon at pawang haka-haka pa lamang ng mga netizens at manonood ang lahat.
Isa sa mga pinanghuhugutan ng isyung ng ilang mga manonood ay ang takbo ng istorya sa Batang Quiapo. Mukhang malabo nang magkatuluyan pa sina Tanggol at Mokang dahil bumigay na ang huli sa ama ni Tanggol na ginagampanan naman ni Christopher De Leon.
Hindi na umano maganda kung ipipilit pa na magkatuluyan ang dalawa dahil sumiping na si Mokang sa biological father ni Tanggol.
Kaya naman maari umanong tsugiin na ang papel ni Mokang dahil ito kadalasan ang nangyayari sa mga palabas ng bansa.
Samantala, naglabasan na ngayon ang iba't-ibang haka-haka na ang napupusuang papalit kay Lovi Poe sa teleserye ay isang aktres na malapit kay Coco Martin at matagal na umanong nakakasama nito sa mga teleserye.
Ayon sa ilang mga netizens baka isa umano kina Yassi Pressman at Julia Montes ang pipiliin ni Coco Martin na kanyang magiging leading lady.
Matatandaan na matagal ding nagkasama sina Yassi Pressman at Coco Martin sa teleseryeng Ang Probinsyano.
Subalit, hindi naman maitatanggi ang malakas na hatak ni Julia Montes sa mga manonood dahil palagi ring tinatangkilik ang mga teleseryeng pinagsamahan nilang dalawa.
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!