Unbothered at walang pakialam ang dating sexy star na si Sabrina M sa mga natatanggap na pambabatikos mula sa mga fans nina Claudine Barretto at Rico Yan.
Matatandaan na sa isang panayam sa media conference ng pelikulang kinabibilangan, naisiwalat ni Sabrina ang pagkakaroon nila ng secret relationship noon ni Rico Yan na umabot rin sa mahigit isang taon hanggang sa pagpanaw nito.
May alam din umano sa kanilang relasyon ang kani-kanilang pamilya at maging ang ex-girlfriend at ka-loveteam team nitong si Claudine Barretto.
Marami naman ang nagdududa sa naging pahayag ni Sabrina dahil hindi naman umano sila namamataang nagsasama at hindi rin umano nakikita si Sabrina noong burol ni Rico.
Subalit, ayon naman kay Sabrina, mas pinili nila noon ni Rico na ilihim sa lahat ang kanilang relasyon dahil magkaiba ang kanilang image sa showbiz industry. Alam din umano niya na mababash lamang si Rico dahil sa pagpatol sa kanya na isang hubadera.
Samantala, naglabas na ng pahayag si Claudine at nanggagalaiti ito ngayon sa mga ipinahayag ni Sabrina. Nagbabanta rin ito na idemanda si Sabrina dahil sa mga pangagamit nito sa namayapang aktor para lamang mapag-usapan sa social media.
Gayunpaman, hindi pa rin nababahala si Sabrina M., wala rin umano siyang pakialam kung hindi naniniwala sa kanya ang kanyang mga bashers ang importante lamang umano ay ang naramdaman niyang kilig noong sinabihan siya ni Rico Yan ng 'I Love You'.
“Siyempre, kahit sino kikiligin kapag isang Rico Yan ang nagsabi sa iyo ng ‘I love you’ dahil long-time crush ko siya talaga,” saad ni Sabrina.
Inilalarawan din ni Sabrina bilang sobrang maasikaso, malambing at caring na boyfriend ang dating matinee idol.
“Palagi siyang nagtatanong ng ‘Kumain ka na ba?’ Sinasabi niya na, ‘Huwag kang magpapagod sa work’,” dagdag pa ni Sabrina.
Ibinahagi pa nito na 'Hon' ang tawagan nila ng yumaong si Rico Yan.
Muli iginiit niya na totoo ang lahat ng kanyang mga isiniwalat dahil wala naman umanong dahilan kung bakit kailangan niyang magsinungaling gayung matagal nang wala ang aktor.
“Hindi naman ako sinungaling na tao para gumawa ng story. Sobrang discreet kami talaga. Kahit sino, magiging proud na may Rico Yan na naging parte ng buhay mo kaya super dedma na lang ako sa mga basher. ‘Yung iba, personalan na kung mang-bash, pero dedma na lang talaga ako. What’s important is alam at hawak ko ang katotohanan.”
Walang komento
Mag-post ng isang Komento
Share your opinion now!